MENU

Pulis Batangas Nagtanim ng 1300 Puno ng “Mangrove” sa Lobo, Batangas

 

Magkakasamang nagtanim ng nasa 1300 puno ng “mangrove” o kilala sa tawag na bakawan ang mga pulis ng Batangas Police Provincial Office sa pamumuno ni BPPO Provincial Director PCOL REX ARVIN T MALIMBAN, kasama ang mga pulis mula sa hanay ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 4A sa pamumuno ni Force Commander PLTCOL LEDON D MONTE at Lobo Municipal Police Station sa pamumuno ni Chief of Police PCPT FLORENCIO R CAISIP Jr. sa Lagadlarin Magrove Forest, Lobo, Batangas.

 

Tampok sa isinagawang aktibidad ang simpleng programa kung saan ibinahagi ng tinaguriang Arkitekto ng “Lagadlarin Mangrove Forest” na si Pangulong Mafriel Dimaano ang naging simula at tagumpay ng nasabing bakawan na may sukat na labimpitong (17) ektarya sa kanilang barangay. Aniya, napakahalagang isapuso ng bawat isa ang pagtatanim nang sa gayon ay makamtan ng bawat isa ang iisa at mabuting adhikain na mabuhay ang bawat punong itatanim at mapanatili ang kagandahan ng kalikasan.

 

Base sa kamakailan lamang na pahayag ni Chief PNP General Debold Sinas na makikipagtulungan ang PNP sa DENR na pangalagaan ang likas na yaman sa bansa, buo ang suporta ng Batangas PPO sa adhikaing ito alinsunod na rin sa isa sa mga Core Values ng PNP na Maka-Kalikasan. Layon din ng pagtatanim na ito ang mapalaki ang mga puno at mapanatili ang kagandahan ng “Mangrove Forest” sa nasabing lugar nang sa gayon makakatulong ito na makapgbigay ng malinis na hangin, malabanan ang global warming, lalo’t higit ang makatulong sa komunidad at kapaligiran na makaiwas sa panganib mula sa kalamidad.

 

"Lubos po ang pasasalamat ng ating kapulisan sa pagbibigay pahintulot mula sa lokal na pamahalaan ng Lobo, Batangas upang maisagawa ang aming layunin na makapagtanim ng higit sa isang libong punla sa isa sa ipinagmamalaking “Mangrove Forest” ng kanilang lugar. Ang gawaing ito ay isang malaking tulong upang mapangalagaan hindi lamang ang bakawan kundi pati na rin ang buhay ng mga taong naninirahan malapit dito mula sa mapaghamong sitwasyon na dulot ng kasalukuyang panahon”. –PCOL MALIMBAN. ###piobatangasppo