MENU

Suspek sa pamamaril sa San Luis, Batangas, timbog sa hot pursuit operation

 Sa report ni Batangas PPO Provincial Director, PCOL RAINERIO M DE CHAVEZ kay PRO CALABARZON Regional Director, PBGEN CARLITO M GACES, mabilis na nabigyan ng hustisya ang biktima ng pamamaril sa San Luis, Batangas matapos masakote ang suspek dahil sa pakikipagtulungan ng komunidad sa kapulisan ng nasabing bayan.

Matatandaang nangyari ang pamamaril nito lamang Hunyo 5, 2023 dakong 8:30 ng gabi kung saan binaril at napatay ang biktimang si Ben Mirano y Lastimosa, 42 taong gulang, construction worker at residente ng San Luis, Batangas habang nag-iinuman sa bahay ng nagngangalang Arnulfo Alcayde na kaibigan ng biktima sa nasabing bayan. Kaagad na nagsagawa ng Hot Pursuit Operation ang San Luis MPS at sa tulong ng mga witnesses ay natunton ang kinaroroonan ng suspek bandang 1:00 ng madaling araw ng Hunyo 6, 2023 na nagresulta sa pagkakahuli nito. Ang suspek ay kinilalang si Prince Joe Alcayde Plantig alias “JOJO/ BNG”, 27 taong gulang, walang asawa, security guard at residente ng naturang bayan.

Nakuha sa kanya ang isang (1) kalibre 38 na baril, mga bala at isang (1) Honda wave na motorsiklo na ginamit ng suspek sa pagsagawa ng krimen. Kasalukuyang nakakulong sa San Luis Municipal Custodial facility ang suspek at inihahanda na ang mga kaukulang papeles para sa pagsampa ng kasong Murder.